Sunday, October 19, 2008

global Forum on migration and development

GLOBAL FORUM ON MIGRATION AND DEVELOPMENT (GFMD)

A.) Ano ang GFMD?
Ang GFMD, o Global Forum on Migartion and Devalopment, ay isang impormal at taunang pagtitipon ng mga member-states ng United Nations para pag-usapan ang migrasyon bilang isang “kasangkapan” tungo sa kaunlaran. Subalit hindi lamang ang mga gobyerno ang kalahok dito. Kasama rin dito ang mga institusyong pampinansya sa daigdig tulad ng World Bank at Citibank, malalaking korporasyon sa remittance tulad ng Western Union, mga pribadong organisasyon, pati na mga labor recruitment agencies.
Ang unang GFMD ay ginanap sa Brussels, Belgium noong Hulyo 2007, at sa Pilipinas ang ikalawa sa darating na Oktubre 29-30 sa PICC (Philippine International Convention Center).

B.) Bakit sa Pilipinas idadaos ang ikalawang GFMD?
Malaking pabor ito sa rehimeng Arroyo na ginagawang poster girl o modelo ng GFMD. Itinuturing na huwaran ang Pilipinas sa pag-eeksport ng lakas paggawa sa buong mundo. Pansinin ang mga sumusunod:
Pumapangalawa ang Pilipinas, sunod sa Mexico, sa laki ng manggagawang lumalabas kumpara sa dami ng populasyon ng isang bansa. May 10-milyong Pilipino (mga 15% ng populasyon ng Pilipinas) ang nakakalat sa 197 bansa. Pinakamalaki ang konsentrsyon (4.5 milyon) sa U.S. at Cnada, at sumusunod dito ang nasa Middle East, Italy at Asia-Pacific. Noong 1975 higit 36,000 pa lamang ang lumuluwas na manggagawa kumpara sa higit isang milyon na nitong 2007.
Kung sa remittance naman, pang-apat ang Pilipinas, sunod sa China, Mexico, at India, sa pinkamalaking humahamig ng remittance. Noong 2007, umabot sa $17 bilyon ang remittance kumpara sa $103 milyon pa lamang noong 1975, isang taon matapos magsimula ang labor export program ni Marcos.
Pambihirang pagkakataon din ang GFMD para mamayagpag ang rehiming Arroyo, at maparami at mapalawak pa ang palenkeng pagbibentahan sa mga Pilipino. Layon nitong umabot sa 2 milyon mula sa 1 milyon bawat taon ang mapalabas simula 2010. paparami na rin ang kababaihang lumalabas kaysa kalalakihan.
Higit sa lahat, masugid na tagasunod ang rehimeng Arroyo ng mga “neo-liberal” na patakaran sa pinansya na itinatakda ng IMF-World Bank. Mas malaki na ang pakinabang ngayon sa paglako ng tao kaysa produkto. Ay sa disenyo, paniyak ang remittance na (a) makakabayad ang mga estadong baon-sa-utang sa malalaking banko. (b) para masuhayan ang gumigiray na ekonomya ng mga bansang talamak sa krisis tulad ng Pilipinas

C.) Kasangkapan nga ba ang migrasyon tungo sa kaunlaran?
Hindi. Simula 1974 ay malawakan at tuluy-tuloy na ang pag-eeksport ng Pilipinas ng lakas paggawa. Milyon nang mamamayan ang nasa labas ng bansa. Bilyong dolyar na rin ang dumarating na remittance. Pero hanggang ngayon bagsak pa rin ang ekonomiya ng Pilipinas. Sabi nga, kung ang hangganan lang ng Pilipinas ay lupa at hindi tubig, baka wala nang natirang tao sa bansa.
Gobyerno, malalaking banko at negosyo ang nakikinabang sa remittance ng mga megrante. Sila ang umuunlad, hindi ang bayan o ang mga mamamayan nito. Dahil para sa kalakhaan ng mga migrante at kanilang pamilya ang remittance ay pantawid o pampatighaw-gutom lamang. Mistulang salbabida ito sa maunos na dagat, at wala pang katiyakan kung ang taong inililigtas ay aabot sa pampang. Ang karaniwang remittance na $200-$300 isang buwan ay napupunta sa kunsumo lamang: pagkain, edukasyon, gamot, bahay, serbisyo, atbp. bumababa pa ang tunay na halaga nito dahil sa VAT at sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin.
Ang sabihin pang kaya ng mga migrante na mamuhunan para a isang maliit na negosyo ay ilusyon na lamang. Kung meron man, sa tindi ng krisis at korupsyon sa bansa, sandali lang at tunaw na ang anumang kita o puhunan nila.
D.) Paano nakikinabang ang mga gobyerno sa malawakang migrasyon?
Malaki ang pampulitika at pang-ekonomiyang pakinabang ng mga gobyerno dito tulad ng rehimeng arroyo.
Una, napapatagal ng mga tiwali at tutang rehimen ang kanilang paghahari sa pag-eeksport ng malaking seksyon ng naghihirap o walang hanap buhay sa labas ng bansa. Napipigilan ang pagputok ng malawakang pag-aalsa o pagrerebolusyon ng mamamayan dahil sa gutom. Habang may kinukonsumo pa ang mga pamilya, panatag ang loob ng mga bulok na rehimen.
Ikalawa, nagagamit ang mga remittance ng migrante para mapalaki ang dollar reserves o foreign exchange earnings ng bansa. Ginagamit itong pampuno sa mga bayarin ng estado, laluna sa pambayad-utang ($54.9 bilyon) ng Pilipinas sa mga dayuhang bangko, at sa mga depisit sa kalakalan. Ngunit liban dito, dahil malaki ang garatiyang dollar reserves ($36.6 bilyon na nitong mayo 2008 sa Pilipinas), muli at muling nakakapangutang ang rehimen. Muli at muli ring lumalala ang korupsyon sa bansa.
Ikatlo, malaki ang kinikita ng rehimen sa mga buwis at bayarin na ipinapataw sa mga migrante. Hindi pa man nakakalabas ng bansa, kumikita na ang estado sa mga migrante, mula sa passport, medical, NBI, birth certificate, mayor’s certificate, barangay certificate, OWWA membership, Philhealth, trainings, artist’s book, at marami pang iba. Bawat remittance ng migrante ay sinisingil pa ng documentary stamp tax (DST). Ayon sa Courage, noon pang 2003 ay kumikita na ang gobyerno ng P13 bilyon taun-taon mula sa mga charges and fees ng OFWs.
Pero higit syempre ang pakinabang sa remittance. Sabi na rin ng mga eksperto, tatlong araw lang na hindi magpadala ng remittance ang mga migrante ay guguho na ang ekonomiya ng pilipinas. Kayat gayon minamahalaga ng World Bank at mga kliyenteng estado ang paksang remittance sa loob ng GFMD.
E.) Paano nakikinabang ang malalaking bangko at negosyo?
Sa kalagayang nagbabagsakan ang mga industriya at kalakal sa daigdig dahil sa krisis na dulot ng globalisasyong “neoliberal”, mas lumalaki ang iniaasa sa pangangalakal ng tao kaysa produkto para pagkakitaan. Sa Pilipinas na lamang, ang pag-eeksport ng manggagawa ang numero unong kalakal ng bansa, at nalampasan na nito ang eksport ng electronics, garments, at iba pang semi-manufacturers.
Desperado na ang mga imperyalistang banko at korporasyon na magkonsentra ng mas malaking pinansya o kapital para iligtas o palaguin ang mga negosyo nito kasabay na tustusan ang “giyera laban sa terrismo”. Desperado na rin silang makabayad ang mga kliyenteng estadong baon-sa-utang, at kung hindi’y nanganganib na bumagsak ang sestimang pinansyal sa daigdig.
Dito nagmumula ang interes ng malalaking bangko at korporasyon sa malawakang migrasyon, o sa maikling salita, sa remittance at kita ng mga migranteng manggagawa. Idinidiin ng mga kapitalista sa GFMD ang pagsisinnop ng sistema ng remittance, ang “mahuhusay na kalakaran” sa paggamit nito, ang pagpapalakas ng mga insentiba, at mga serbisyo para ma-engganyo ang mga nagreremit tulad ng mas mababang bank charges, micro-insurance, micro-pension, at pamumuhunan. Nais nilang paunlarin ang palengke ng migrasyon at maayos ang paghahati ng pakinabang sa remittance.
Sabi nga ng Asian Development Bank sa isang pag-aaral nito noong 2004, nagpupugad na ang mga Philippine at foreign-based banks sa mga lugar na may konsentrasyon ng mga Pilipino sa daigdig. Liban dito, kumikita sa remittance ang mga money transfer agencies tulad ng Western Union, telecomunications tulad ng Globe at Smart, interest-based services, ATM transactions, at credit card payments. Noong taon ding iyon ay tinatayang 70% na ng mga migrante at pamilya ang may cellphones na umaabot sa 160 million messages sa isang araw. Lalo pa siguro ngayon.
At hindi pa binabanggit dito ang matapat na pagbabayad ng buwis ng mga migranteng manggagawa sa mga bansangpinagtatrabahuan nila, sila man ay mga doktor o nars sa Amerika, contruction workers sa Middle East, caregivers a Hong Kong o Italy, o piloto ng mga jetliners o marino ng mga barko.
F.) Kaya bang proteksyunan ng GFMD ang mga migranteng manggagawa?
Sa ikalawang GFMD, bibigyan diumano ng “makataong mukha ang migrasyon” at pag-uusapan ang “ligtas at legal na migrasyon para mas malaking kaunlaran”. Ipagsasanggalang diumano ang mga karapatang pantao ng mga migrante. Totoo kaya ito?
Una, ang balangkas ng GFMD at ang namamayani dito ay ang mga “neoliberal” na patakaran ng World Bank at OECD (Organization for Economic Cooperation and Development). Mahigpit ang imperyalistang kontrol sa GFMD. Ang mga patakaran nito sa liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon ng mga pambansang ekonomiya ay lalong nagpapababa sa sahod ng mga manggagawa at umaalipusta sa kanila bilang tao. Ang krisis sa mundo ay isinisisi pa nga sa mataas na sahod daw ng mga manggagawa. Kaya sapul laluna ang mga migranteng manggagawa sa tinatawag na pleksibleng paggawa – pagpapababa ng sahod, pagpapaigsi ng mga kontrata, pagtanggal sa seguridad sa trabaho, kontraktwalisasyon, at iba pa.
Ikalawa, ang paglalako ng malawakang migrasyon ay katumbas ng komodipikasyon ng mga migrante. Hindi na sila tao kundi kalakal na pinagtutubuan, at kung gayon ay tinatanggalan ng dangal. Mula sa pagrirekrut pa lang hanggang sa makarating sa ibang bayan kakambal na nila ang paglabag sa kanilang mga karapatan: illegal rekrutment, sex trafficking, paglabag sa kontrata, pang-aaglahi, pambubugbog, pag-aresto, pagkulong, karahasan, kamatayan. Kahit sandamukal ang mga pandaigdigang deklarasyon at mga batas para sa proteksyon ng mga migrante, wala itong saysay para sa nakararami. Adorno na lamang ito o pakitang-tao.
Ikatlo, may espesyal na pansin na binibigay ang ikalawang GFMD sa di-dokumentadong manggagawa. Nais ng GFMD na gawing “ligtas at legal” ang migrasyon. Hindi pa dahil sda awa sa mga manggagawang biktima ng masahol at malawakang crackdown. Kundi para makopo pa ang kanilang mga remittance at makinabang ang mga bangko at institusyong pampinansya sa mga ito. Tinataya ng ADB na 30% pa ng mga remittance ang dumadaan sa mga informal channel tulad ng mga padala sa mga kakilala o kamag-anak, kaya hindi napapatawan ng buwis at charges.
G.) Ano ang dapat gawin ng mga migranteng mangagawa at kanilang mga pamilya kaugnay ng GFMD?
Hindi sa GFMD maririnig ang tunay na boses ng mga migrante kundi sa International Assembly of Migrants and Refuges (IAMR) na idaraos katapat ng GFMD. Dadaluhan ang IAMR ng mga kinatawan ng mga grupong migrante mula mula sa iba’t ibang lahi at mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Pangungunahan ang asembleyang ito ng International Migrants Alliance (IMA), na kinabibilangan ng Migrante International at higit 100 pang organisasyon.
Sa tantya ng UN Populasyon Division may 205 milyong migante na ang nakakalat sa iba’tibang rehiyon ng daigdig at nagreremit ng $226 trilyon. Sa kabila nito bagaman sila ang pinapaksa sa GFMD wala silang papel dito. Ang World Bank, ang mga imperyalistang ahensya at korporasyon sa pangunguna ng US, at ang mga kliyenteng estado ang nagsasalita para sa kanila. Malalantad din ang pagpapanggap na ito, laluna’t sa IAMR ay naroon ang mga tunay na migrante at nagsasalita para sa kanilang sarili.
Masasaksihan sa IAMR ang malawak na pagkakaisa ng mga migrante sa buong daigdig laban sa imperyalismo. Kalakip ang mga kilos protesta, mariin ang panawagan ng mga migrante na ilantad at labanan ang imperyalistang kontrol sa GFMD at ang patakaran sa pag-eeksport ng lakas paggawa.
Sa bahagi ng Migrante International, hindi makaliligtas ang rehimeng arroyo sa pagiging masugid na tuta ng imperyalismo. Mananagot ito sa lalong paglubha ng kalagayan ng mga migranteng Pilipino at sukdulang pagtataguyod nito ng LEP (Labor Export Program). Hindi lamang dapat ibasura ang LEP kundi ang rehimeng Arroyo.
Kasabay nito haharapin at sasalagin ng mga migrante ang mga panibagong atake sa mga karapatan at kagalingan nila na niluluto sa loob ng GFMD. Hindi lamang ito laban ng mga kasalukuyang migrante kundi ng mga susunod na henerasyon ng migranteng Pilipino mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan: manggagawa, magsasaka, kababaihan, propesyunal, kawani, kabataan, maralitang lungsod, pambansang minorya, atbp. kasama at kaisa sila sa labang ito, partikular sa mga kilos protesta na yayanig sa GFMD mula sa Pilipinas hanggang sa iba’t ibang panig ng mundo. Pinakatampok sa mga protestang ito ang “Zero Remittance Day” sa Oktobre 29, na itataon sa pagbubukas ng GFMD.
Iguguhit ng mga protestang ito ang mensahe na hindi tumatalab sa mga migrante ng buong mundo ang panlilinlang ng imperyalismo at ng mga kliyenteng estado nito tulad ng rehimeng Arroyo.
Sanggunian:
Enhancing the efficiency of OFW Remittances, Asian Development Bank, 2004
“Pahayag ng ILPS sa Global Forum on Migration and Development”, Prof. Sison
“Preparing to work abroad: Filipino migrants experiences prior to deployment”, http//www.smc.org.ph/preparework/index.htm
“The Philippine’s culture of migration”, Maruja M.B Asis, http://www.migrationinformation.org/profiles/display.cfm?ID=364
“Value of OFWs is not in $12-B annual remittances”, Willy Arcilla, Philippine Daily Inquirer, 14 Jan 2008
“OFWs bring home $8 B in 1st half 2008”, Philippine Daily inquirer, 18 Aug ‘08
“Philippine dollar reserves up by nearly half year on year”, Maricel E. Burgonio, Manila Times, 7 June 2008
“ Philippine foreign debt continues to rise in 2007” Manila Times, 1 april 2008
_____________________________________________________________________

International Assembly of Migrants and Refugees
Manila, Philippines
28-30 October 2008
This is a collaborative efforts of
the International Migrants Alliance (IMA) and Migrante International
with the cooperation and support of
Asia Pacific Mission for Migrants (APMM),
Ibon Foundation, Bayan-Philippines,
Asia-Pacific Forum on Women in Law and Development - Task Force on Labor and Migration (APWLD-TFLM)
and CARAM Asia. _________________________________________________________________“GMA said I care, Is this the care she was talking about:I care, with the migrants having 29 victims in death row;I care, with the migrants having more than ten thousand stranded OFWs;I care, with the migrants having 23 mysterious deaths;I care, with the migrants having so many charges from their remittances”-Connie Bragas-Regalado, Migrante Chairperson-_________________________________________________________________GFMD = Global Forum on Modern Day slavery
YOUR VISION OF DEVELOPMENT IS OUR SLAVERY!
THE YOUTH IS NOT FOR EXPORT, OUR FUTURE IS NOT FOR SALE!

SUMAMA SA PAGKILOS NG KABATAAN LABAN SA GFMD SA OKTUBRE 27!SUMAMA SA PAGKILOS NG MAMAMAYAN LABAN SA PAGKAKALAKAL SA MGA MIGRANTE SA OKTUBRE 29! PANAWAGAN SA LAHAT NG MIGRANTENG PILIPINO SA BUONG MUNDO, ZERO REMITTANCE DAY SA OKTUBRE 29!

1 comment:

Anonymous said...

Hello. Gumagawa po ako ng sulatin hinggil sa GFMD. Puede ko po bang malaman kung saan galing ang tekstong nakapost sa itaas? Maraming salamat.